Cignal lumapit sa pagsikwat sa korona ng foundation cup
MANILA, Philippines - Inilapit ni Jason Perkins ang Cignal HD sa korona matapos talunin ang Centro Escolar University, 78-56, sa Game One ng 2017 PBA D-League Foundation Cup Finals kagabi sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Kumolekta ang 6-foot-5 forward na si Perkins, sumalo sa naiwang trabaho ng may injury na si center Raymar Jose, ng 16 points at 11 rebounds para sa 1-0 bentahe ng Hawkeyes sa kanilang best-of-three championship series ng Scorpions.
“Jason knows that he’s a very important part of this team. It shows that he’s always been stepping up for us,” sabi ni head coach Boyet Fernandez kay Perkins.
“We know that the challenge of stepping up is there, and I commend all my players today, especially Jason,” dagdag pa nito sa La Salle Green Archer.
Kaagad kinuha ng Hawkeyes ang 24-6 abante sa opening period patungo sa 39-25 kalamangan sa halftime.
Umiskor naman si Byron Villarias ng team-high na 17 markers at 7 boards, habang humakot si Mark Bringas ng 13 points at 10 rebounds para sa Cignal.
Pinangunahan naman ni Congolese big man Rod Ebondo ang CEU mula sa kanyang 27 points, 17 rebounds at 2 blocks.
Nagdagdag si Rich Guinitaran ng 10 markers para sa kabiguan ng Scorpions.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng Cignal para makuha ang kanilang back-to-back championships sa PBA D-League.
Tanging ang NLEX Road Warriors ni Fernandez at ang Phoenix Accelerators ang nagkampeon sa dalawang sunod na komperensya.
Nakatakda ang Game Two bukas ng alas-5 ng hapon sa Ynares Sports Arena.
Cignal HD 78 - Villarias 17, Perkins 16, Bringas 13, Sumalinog 11, Batino 8, Uyloan 6, Sara 4, Raymundo 3, Apinan 0, Arboleda 0, Arong 0, Belencion 0, Cahilig 0.
CEU 56 - Ebondo 27, Guinitaran 10, Aquino 6, Manlangit 4, Jeruta 3, Arim 2, Saber 2, Uri 2, Casiño 0, Cruz 0, Fuentes 0, Intic 0, Wamar 0.
Quarterscores: 24-11; 39-25; 59-43; 78-56.
- Latest