Pinoy archers hindi nakapana ng anumang medalya
KUALA LUMPUR – Isinuko nina Pinoy archers Florante Matan at Nicole Ortega ang kanilang semifinal duel kina Khairul Anuar Muhammad at Nural Aliya Ghapar ng Malaysia at tuluyan nang nabigong makatudla ng medalya sa archery competition ng 29th Southeast Asian Games kahapon dito sa National Sports Center Synthetic Turf Field.
Kinuha nina Matan at Ortega ang 4-2 abante patungo sa fourth at final set ng laban.
Ngunit nakatabla sina Muhammad at Ghapar sa 4-4 para sa isang sudden-death shoot-off.
Iginupo ng Malaysian tandem sina Matan at Ortega, 19-16, patungo sa championship match laban sa Indonesia.
Sa gold medal round ay tinalo ng Indonesia ang Malaysia, 5-3.
Natalo naman sina Matan at Ortega kina Chu Duc Anh at Loc Thi Dao ng Vietnam, 2-6, (34-37, 35-33, 36-37, 34-36), sa bronze-medal play.
“Medyo po mahangin kaya kahit i-adjust ko ang tira hindi po tumatama sa target,” wika ni Matan, pumana ng gold medal sa men’s team recurve noong 2005 SEA Games.
“Binawian tayo ng Vietnam after we beat them in the men’s and women’s team recurve for the bronze last Monday,” sabi naman ni head coach Clint Sayo.
Sa kabuuan ay kumuha ang mga Filipino hawkeyes ng apat na bronze medals.
- Latest