Team Phl nagdagdag ng limang ginto
Mula sa gymnastics, fencing, athletics at Wushu
KUALA LUMPUR – Dalawang gymnasts, isang wushu artist at dalawang Fil-Am fencer at trackster ang nagbigay sa Pilipinas ng limang gintong medalya sa 29th Southeast Asian Games kahapon dito.
Nagpakitang-gilas sina veteran Reyland Capellan at bagitong si Kaitlin de Guzman para angkinin ang gold medal sa kanilang mga events sa gymnastics competition sa Malaysia International Trade and Exhibition Center.
Kumubra ang 23-anyos na si Capellan, ang gold medalist noong 2015 SEA Games sa Singapore, ng 13.950 points para pagharian ang men’s floor exercise event.
Tinalo ni Capellan para sa gintong medalya sina Zul Bahrin Bin Mat Asri ng Malaysia at Tikumporn Surintornta ng Thailand na nagtala ng 13.750 at 13.670 points, ayon sa pagkakasunod.
“I’m so happy that I am able to contribute to the gold-medal production of the Philippines,” wika ni Capellan, dating miyembro ng Centro Escolar University pep squad na lumahok sa World Artistic Gymnastics sa Glasgow noong 2015.
Matapos ang isang oras ay isinunod naman ni De Guzman ang kanyang gold medal nang kumolekta ng 12.875 points sa pagrereyna sa uneven bars category.
Tinapos ng 17-anyos na si De Guzman ang 20-year old gold-medal drought ng bansa sa women’s artistic gymnastics event.
Dinaig ni De Guzman sina Tracie Ang ng Malaysia (12.550 points) at Rifda Irfanaluthfi ng Indonesia (12.075 points).
“I am so happy now that I won a gold medal representing the Philippines,” ani De Guzman, isang senior sa Epic Charter Home School sa Dallas, Texas at anak ni Cintamoni Dela Cruz, nagwagi sa nasabing event noong 1995 SEA Games sa Chiang Mai, Thailand.
Humugot din ang bansa ng gold medal mula kina Fil-Am trackster Eric Cray, wushu artist Agatha Wong at Fil-Am fencer Brennan Wayne Louie.
Nagsumite si Cray ng bilis na 50.03 segundo para pagharian ang men’s 400m hurdles.
Umiskor naman si Wong ng 9.66 points para pamahalaan ang women’s taijiquan event.
Dinaig ni Louie, ang gold medalist sa Asean Championship, ang kababayang si Nathaniel Perez sa men’s foil event sa fencing competition.
- Latest