Huelgas naidepensa ang titulo; Mangrobang hindi na bridesmaid
MANILA, Philippines - Muling winalis ng national triathlon team ang dalawang gintong medalyang nakataya sa 2017 Southeast Asian Games triathlon competition kahapon sa Water Sports Complex sa Putrajaya City sa Malaysia.
Nakumpleto ng mga Pinoy triathletes ang 1-2 finish sa men at women’s divisions.
Naidepensa ni dating De La Salle University standout Nikko Huelgas ang kanyang korona sa men’s division matapos magtala ng isang oras, 59 minuto at 30 segundo - malayo sa kanyang ipinosteng 2:04.32 noong 2015 SEA Games sa Singapore.
Nasa ikalimang puwesto lamang si Huelgas sa swimming event matapos magtala ng 20.57 minuto subalit nakabawi sa bike at run events para tuluyang makuha ang kanyang ikalawang sunod na gintong medalya.
Pumangalawa ang kababayang si John Chicano (2:01.27) at pumangatlo si Clement Chow (2:03.24) ng Singapore.
Sa women’s division, nagreyna sa pagkakataong ito si Kim Mangrobang matapos irehistro ang 2:11.14, habang nagkasya sa silver si Maria Claire Adorna (2:18.58) kasunod si Irene Chong (2:25.44) ng Malaysia.
Noong 2015 Singapore Games ay tumapos rin ang Pinay triathletes ng 1-2 kung saan nakuha ni Adorna ang ginto at ang pilak ay napunta kay Mangrobang.
Samantala, nakahirit naman ng dalawang tansong medalya ang national archery team sa recurve team competition sa NSC Synthetic Turf sa Bukit Jalil Sports Complex sa Kuala Lumpur.
Nagsanib-puwersa sina Florante Matan, Luis Gabriel Moreno at Mark Javier upang gapiin ang Vietnam squad, 6-0, sa bronze-medal match ng men’s recurve team event.
Namayani rin sina Kareel Meer Hongitan, Nicole Marie Tagle at Mary Queen Ybanez laban sa Vietnam trio, 6-0, para makuha ang tansong medalya sa women’s recurve team category.
Nauna nang nakahirit ng isang tanso si Tagle sa women’s individual event noong Linggo, habang nakatanso rin ang men’s compound team at si Paul Marton Dela Cruz sa men’s individual compound.
- Latest