Pinoy netters kumpiyansa sa kampanya para sa SEAG gold
KUALA LUMPUR - Maglalaro ang Philippine national tennis team na wala si Filipino-American star Treat Huey.
Ngunit sa kabila nito ay kumpiyansa pa rin ang tropa na makakapag-uwi ng medalya sa 29th Southeast Asian Games dito sa National Tennis Centre Sports Complex.
Tiwala sina coaches Salvador Cuarto at Czarina Mae Arevalo na maduduplika nila ang iniuwing silver medal mula sa nakaraang biennial meet sa Singapore noong 2015.
“We’re ready and raring to go and I’m very optimistic that we can surpass out second-place finish in Singapore in 2015,” wika ni Cuarto, naging mentor ng Nationals noong 2007 SEA Games sa Nakhon Ratchasima sa Thailand.
Hahataw sina Francis Casey Alcantara at Jeson Patrombon sa men’s singles sa alas-12 ng tanghali at sa doubles competition sa alas-4 ng hapon.
Samantala, sisimulan nina Filipino-German Katharina Lehnert at Anna Clarice Patrimonio ang kanilang kampanya sa women’s singles sa alas-10 ng umaga bago pumalo sa doubles kasama sina Denise Dy at Khim Iglupas sa alas-2 ng hapon.
Maglalaro din sa men’s doubles sina Fil-Am Ruben Gonzales at Albert Lim.
Ito ang ikaanim na SEA Games ng 28-anyos na si Dy ng San Jose, California at nakakolekta na ng 2 gold, 4 silver at 8 bronze medals.
Kakampanya naman ang 23-anyos na si Lehnert, nagbulsa ng 2 silver at 1 bronze medals, para sa kanyang ikalawang SEA Games.
- Latest