Pinoy keglers sisimulan na ang kampanya sa ilalim ni Paeng
KUALA LUMPUR -- Sa likod ng kanilang bagong head coach na si bowling legend Paeng Nepomuceno, sasabak sa aksyon ang mga Pinoy keglers sa pagsisimula ng 29th SEA Games bowling tournament ngayon.
Para sagipin ang estado ng bowling program, tinapik ng Philippine Bowling Federation si Nepomuceno, ang four-time World Cup champion, para sa kampanya ng bansa sa SEA Games.
Sasabak ang mga national bowlers sa men’s at women’s singles tournament sa modernong Sunway Mega Lanes sa loob ng Sunway Pyramid Mall, isang 30-minute drive mula sa Kuala Lumpur.
Bubuksan nina veteran at dating Asian bowling champion Liza del Rosario, Krizziah Lyn Tabora, Dyan Arcel Coronacion, Lara Posadas at Marie Alexis Sy ang kampanya ng bansa sa women’s singles simula sa alas-9 ng umaga.
Gugulong naman ang men’s singles sa alas-2:30 ng hapon tampok sina John Paule Macatula, Jo-Mar Roland Jumapao, Kevin Oliver Cu at Mervin Tan.
Nagpagulong ang mga Filipino bowlers ng dalawang bronze medals sa women’s trios at team events noong 2015 Singapore edition.
- Latest