Phl men’s water polo dinaig ang Thailand sa pagsisimula ng kampanya ng bansa sa SEAG
MANILA, Philippines - Magarbong sinimulan ng Pilipinas ang kampanya sa 2017 Southeast Asian Games matapos pataubin ang Thailand, 9-7, sa men’s water polo event sa National Aquatics Center sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Nagparamdam kaagad si skipper Roy Canete nang humataw ng dalawang goals sa pagsisimula ng bakbakan na siyang nagbigay ng magandang momento sa Pinoy squad upang talunin ang Thailand, ang bronze medalist noong 2015 Singapore Games.
Nakadikit ang Thailand mula sa goal ni Kirasit Patarathitina sa 6:48 minuto ng second period para sa 1-2 iskor.
“They were composed and did not crumble despite the Thai pressure. There were some lapses in the last quarter, but it was understandable because they were mentally tired. However, we have to correct that,” ani Hungarian coach Gabi Egedi.
Subalit agad na pinatahimik ni Mummar Alamar ang malakas na hiyawan ng Thai crowd nang itarak ang goal na sinundan ng isa pang goal mula kay Canete para muling makalayo sa 4-1 sa pagtatapos ng first half.
Susunod na makakasagupa ng Pilipinas ang host Malaysia ngayong araw upang makalapit sa pilak na medalya.
Bigong makapag-uwi ng medalya ang water polo team sa huling dalawang edisyon ng SEA Games.
Samantala, target ng 17-man gymnastics team na makahirit ng apat na gintong medalya, ayon kay Gymnastics Association of the Philippines (GAP) secretary-general Bettina Pou.
Ang gymnastics team ay binubuo ng walong atleta sa women’s rhythmic, apat sa women’s artistic at lima sa men’s artistic.
Umaasa si Pou na muling dodominahin ni Singapore SEA Games double gold medalist Reyland Capellan ang floor at vault events sa gymnastics artistic competition.
Magsisimula ang gymnastics competition sa Linggo sa Malaysia International Trade and Exhibition.
Sasabak rin sina Filipino-American Kaitlen de Guzman, Cristina Onofre, Jan Timbang, Rachelle Arellano, Katrina Evangelista, Josefa Hermoso, AJ Melgar, Jean Caluscusin, Katrina Loretizo, Marian Nicole Medina, Andrea Cantero, Nichole Orella, Reyna Jean Cornel at Shieldannah Sabio.
- Latest