POC hihirit na maidaos ang SEAG
Aapela kay Pangulong Duterte para sa hosting sa 2019
MANILA, Philippines - Puwede pang ipagpatuloy ng Pilipinas ang hosting ng 30th Southeast Asian Games sa 2019.
Sinabi ni Philippine Olympic Committee (POC) sec retary-general Steve Hontiveros kahapon na ang kailangan lamang nila ay ang pagpayag ni Pangulong Rodrigo Duterte para ituloy ang ikaapat sanang hosting ng bansa sa biennial games na huling idinaos rito noong 2005 kung saan nag-overall champion ang Team Philippines.
Magsasagawa ang POC at mga NSAs ng General Assembly meeting bukas sa Wack Wack Golf and Country Club sa Mandaluyong City upang pag-usapan ang naturang isyu at pagkatapos ay iaapela nila kay Pangulong Duterte na ituloy ang nasabing committment ng bansa sa 2019 SEA Games, ayon kay Hontiveros.
“Meron pang chance. Basta may approval lang ni Presidente. Ang move ng POC is to convene the General Assembly and appeal to the President (Duterte). To show the image of the Philippines that there is no problem,” pahayag ni Hontiveros.
Sa pagbitaw ng Pilipinas sa hosting ng 2019 SEA Games ay nagpahayag ng kagustuhan ang Indonesia at Thailand para sa pamahalaan ang 2019 edisyon na ibinigay sa Pilipinas noong 2015 matapos umayaw ang orihinal na host Brunei Darussalam.
“They have to bid now,” dagdag pa ng POC secretary-general sa Indonesia at Thailand.
Ang ginawang final desisyon ng Pilipinas sa pagbitiw sa hosting ng 2019 SEA Games ay pormal na isusumite ng POC sa Southeast Asian Games Federation Council meeting sa Agosto 15 sa Kuala Lumpur, Malaysia at inaasahan ding magsasagawa agad ng panibagong bidding sa mga interesadong mag-host nito.
Dahil sa pagkansela ng Pilipinas sa hosting ng 2019 SEA Games ay maaring hindi na magkaroon ng turnover rites sa closing ceremonies sa unang pagkakataon.
“Ang programa ng Malaysia sa closing ceremonies ng 29th SEA Games sa Agosto 30 ay tapos na. Naka-set na mga invitations. It could be the first time without a turnover sa closing ceremonies,” ayon kay Hontiveros.
Kung matatandaan ay binawi ng Malacañang ang suporta sa nasabing 2019 SEA Games hosting noong Biyernes dahil sa kasalukuyang sitwasyon sa Mindanao at ang problema ng terorismo at mas nais ng gobyerno na pagtuunan ng pansin ang pagresolba sa problema sa Marawi City.
“However, due to the current situation in Mindanao and the problem of terrorism and atrocities, we regret to inform you that we will no longer pushed through with the hosting of the biennial event. It has been resolved, that Government resources be focused in the rehabilitation and rebuilding of Mindanao especially Marawi,” sabi ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William ‘Butch’ Ramirez sa kanyang sulat kay POC president Jose Cojuangco, Jr. noong Hulyo 21.
Nilinaw din ni Ramirez na hindi sa kanya nagmula ang final desisyon kundi mula sa Malacañang matapos ang kanilang pagpupulong kasama si Sen. Juan Miguel Zubiri mahigit dalawang linggo na ang nakakaraan.
“This is the decision from the higher-ups after a thorough meeting with Sen. Zubiri two weeks ago. The final decision was just relayed to the POC through the PSC. It was just coursed through us,” ani Ramirez.
- Latest