Otico, Pantino umabante sa q’finals
ITF junior championships
MANILA, Philippines - Nagpatuloy ang mainit na ratsada nina top seed John Bryan Decasa Otico at second pick Arthur Craig Pantino upang makahirit ng tiket sa quarterfinals ng 2017 International Tennis Federation (ITF) Junior Championships na ginaganap sa National Tennis Development Center sa Nonthaburi, Thailand.
Mabilis na dinispatsa ni Otico si 15th seed Keisuke Saitoh ng Japan sa pamamagitan ng 6-2, 6-2 panalo habang namayani si Pantino kay 14th seed Theertha Shashank Macherla ng India, 7-6 (2), 6-1.
Pakay ni Otico na maipagpatuloy ang magandang inilalaro nito sa pakikipagtipan kay Huang Lingxiang ng China na nagtala naman ng 6-3, 6-2 panalo kay Kai Wai Yu ng Hong Kong, samantalang sasagupain ni Pantino si seventh seed Sacchitt Sharrma ng India na namayani kay Nikit Neddy ng Amerika, 4-6, 6-1, 6-3.
Bigo namang umusad si Filipino-Spanish Diego Garcia Dalisay na yumuko kay third pick Rishabh Sharda ng India, 3-6 4-6 sa naturang Grade 4 tournament.
Hindi naman pinalad sina Otico at Pantino sa doubles event.
Lumasap ang top-seeded na sina Otico at Pantino ng 6-2, 4-6, 8-10 kabiguan kina Indian duo Sumitpat Singh at Dipin Wadhwa sa second round.
Talo rin sina Dalisay at Stephan Lhuillier kina Pasawee Reansuwong at Kasidit Samrej ng Thailand, 4-6, 4-6, sa first round.
- Latest