Mojdeh, Dula nanguna sa MOS awardees
MANILA, Philippines - May 14 tankers ang ginawaran ng Most Outstanding Swimmer award sa 116th Philippine Swimming League (PSL) National Series na ginanap sa Kagay-An Lawndale Spring Resort sa Cagayan de Oro City.
Nanguna sa listahan sina Swimmers of the Year Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque at Marc Bryan Dula ng Wisenheimer Academy nang mamayagpag ang mga ito sa kani-kanilang dibisyon.
Nakalikom si Mojdeh ng 50 puntos para kubrahin ang MOS sa girls’ 9-10 year category habang umani naman ng 49 puntos si Dula sapat para angkinin ang unang karangalan sa boys’ 9-10 year class.
Ang iba pang ginawaran ng MOS sa girls division ay sina Ckryztyn Leonardo ng Kaamulan Aquatics (6-under), Kiara Acierto ng Dipolog Aqua Warriors (7-8), Kyla Soguilon ng Aklan Swimming Team (11-12), Aubrey Bermejo ng One Wave Swimming Team (13-14), Kristin Austria ng One Wave Swimming Team (15-16) at Miles Valdez ng One Wave Swimming Team (17-over).
Wagi naman sa boys sina Arki Lozano ng Sulip Team (6-under), Romeo Tiu III ng Tangub Aquaflyers (7-8), Reu Rome Francoise Tiu ng Tangub Aquaflyers (11-12), Chad Russell Espinas ng Kaamulan Aquatics (13-14), Lucian Alejo ng One Wave Swimming Team (15-16) at Martin Jacob Pupos ng Golden Stags Swim Club (17-over).
Itinanghal na kampeon ang Kaamulan Aquatics na nakalikom ng 561 puntos sumegunda ang One Wave Swimming Team na may 416 puntos at ikatlo ang Dipolog Aqua Warriors na may 193 puntos.
Sampung bagong rekord ang naitala sa torneo tampok ang tatlo mula kay Mojdeh at dalawa mula kay Pupos na qualifier sa Summer World University Games na gaganapin sa New Taipei City, Taiwan sa Agosto.
Nairehistro ni Mojdeh ang mga bagong marka sa 200m IM (2:42.89), 50m butterfly (31.86) at 50m freestyle (30.30) habang winasak ni Pupos ang rekord sa 200m IM (2:19.10) at 100m freestyle (55.95).
Ang iba pang record-breakers ay sina Bermejo at Soguilon.
- Latest