^

PSN Palaro

Hong Kong Stingray Invitational Swim Meet: PSL Tankers nagparamdam agad, 5 ginto ang nilunod

Chris Co - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Limang ginto, tatlong pilak at isang tansong medalya ang agad na sinisid ng Philippine Swimming League (PSL) tankers sa pagsisimula ng 2017 Hong Kong Stingray Invitational Swimming Championship na ginaganap sa Hong Kong International School sa Tai Tam Campus, Red Hill.

Bumandera sa kampanya ng Pinoy squad si Vaugh Andre Aquino nang umariba ito ng tatlong gintong medalya sa boys’ 12-year category ng torneong nilahukan ng mahigit 600 tankers mula sa iba’t ibang bansa.

Pinagharian ni Aquino ang 200m breaststroke sa bilis na dalawang minuto at 55.84 segundo upang talunin sina silver medalist Nicholas Cheung ng Hong Kong (3:06.61) at Lundy Zheng ng China (3:10.05).

Namayagpag din si Aquino sa 100m breaststroke nang itarak ang 1:21.26 at sa 200m Indivi­dual Medley sa bendisyon ng 2:40.06.

Hindi rin nagpakabog si Palarong Pambansa champion at Philippine national junior record holder Jerard Dominic Jacinto ng University of the East nang angkinin  ang gintong medalya sa boys’ 16-year 100m backstroke.

Naglista ang 16-anyos na si Jacinto ng 58.81 segundo para ungusan ang mas matatandang karibal na sina Robi Mangilinan ng San Beda College (59.49) at Nicholas Koh ng Hong Kong (1:00.34) na parehong 18-anyos.

Nagdagdag ng isang ginto si Hannah Rafflyn Sales mula naman sa girls’ 9-year 50m butterfly kung saan nairehistro nito ang 37.62 segundo, sapat para talunin sina Eden Yi Zhen Lim (38.66) at Francesca Barreto (39.28).

Nakasiguro rin si Sales ng dalawang pilak sa 100m IM (1:26.66) at 50m backstroke (40.27) gayundin si Aquino sa 100m freestyle (1:04.12) habang ang nag-iisang tanso ay galing kay Arbeen Miguel Thruelen sa boys’ 12-year 100m backstroke (1:16.13).

“It’s a good start but we’re optimistic that we’ll win more gold medals in the next events especially Jacinto in his other backstroke events. The field is really though with the pre­sence of powerhouse teams from different parts of the region,” ani PSL President Susan Papa.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with