Pocari pupuntiryahin ang ikalawang outright semis seat
MANILA, Philippines - Puntirya ng nagdedepensang Pocari Sweat na masungkit ang ikalawang outright semifinals berth sa pakikipagtipan sa Philippine Air Force ngayong hapon sa Premier Volleyball League Reinforced Conference sa San Juan City.
Pakay ng Lady Warriors na maulit ang kanilang first-round sweep noong Mayo 6 na magdadala sa kanila sa No. 2 spot sa semifinals.
Magtutuos ang Pocari at Air Force sa ala-1 ng hapon kasunod ang duwelo ng Power Smashers at BaliPure sa alas-4 at ng Creamline at Perlas Spikers sa alas-6 ng gabi.
Una nang umusad sa semis ang BaliPure matapos ilista ang 25-20, 23-25, 19-25, 25-18, 15-7 come-from-behind win laban sa Creamline noong Miyerkules para sa kanilang 7-2 rekord.
Susubukan ni Rommel Abella ang bagong kumbinasyon dahil muling nabangasan ang lineup ng Lady Warriors matapos magtamo ng hamstring injury si reinforcement Edina Selimovic sa kanilang laro laban sa Creamline.
Kaya naman inaasahang hahataw nang husto sina Elaine Kasilag, Maricar Nepomuceno, Jeanette Panaga, Jessey De Leon, Desiree Dadang at setter Gyzelle Sy para punan ang butas na naiwan ni Selimovic.
Babanderahan naman ang Lady Jet Spikers ni Thai import Sangmuang Patcharee katuwang sina local players Mary Ann Pantino, Angel Antipuesto, Joy Cases, Iari Yongco at setter Wendy Anne Semana.
Ang Top Two teams ay awtomatikong papasok sa semis, habang ang apat na matitira ay maglalaban sa quarterfinals sa pamamagitan ng round robin format.
Kung makukuha ng Lady Warriors ang ikalawang semis slot ay maglalaban ang Power Smashers, Creamline, Perlas Spikers at Air Force sa dalawang natitirang puwesto sa Final Four.
Sa men’s division, sasagupain ng Air Force ang Café Lupe sa alas-10 ng umaga.
- Latest