Golden State naghahanda sa rematch nila ng Cleveland?
SAN ANTONIO — Hindi na dapat sabihin kay Kevin Durant na huwag kaagad magdiwang ang Golden State matapos maipanalo ang Western Conference Finals.
Alam ni Durant ang malaking hamon na naghihintay sa kanila sa NBA Finals.
Ito ang dahilan kung bakit pumirma si Durant sa Warriors at ito din ang dahilan kung bakit siya kaagad tinanggap nina Stephen Curry, Klay Thompson at Draymond Green.
“We have a bigger goal in mind,” sabi ni Durant.
May pagkakataon ang Golden State na makamit ang kanilang ikalawang NBA championship sa nakaraang tatlong taon matapos walisin ang San Antonio Spurs sa pamamagitan ng 129-115 panalo sa Game Four noong Lunes.
Ang Warriors ang naging unang koponan sa league history na nagtala ng 12-0 record sa playoffs.
Ito ang magbibigay sa kanila ng halos isang linggong pahinga para sa ikatlong sunod nilang NBA finals appearance.
Golden State ang mamamahala sa Game One ng NBA Finals sa Hunyo 1 laban sa Cleveland Cavaliers o Boston Celtics.
Bitbit ng Cavaliers ang 3-1 bentahe sa kanilang Eastern Conference Finals series ng Celtics.
“We all know, obviously, who we’re going to play,” sabi ni Curry sa Cavaliers ni four-time NBA MVP LeBron James. “We’ll be watching the Eastern Conference Finals to see how that unfolds. But it will be easy to start this new chapter and really just lock in on what’s in front of us.”
Ang muling pagsagupa sa Cleveland ang magbibigay ng tsansa sa Golden State na makabawi matapos isuko ang 3-1 bentahe sa nakaraang NBA Finals.
“This year is a totally different year, different group, different journey,” sabi ni Curry.
Ang pinakamalaking pagkakaiba ay ang pagkakadagdag ni Durant, iniwanan ang Oklahoma City sa offseason para lumipat sa Golden State.
Ang kanyang paglipat sa Warriors ang lalo pang nagpalalim ng opensiba ng koponan bukod pa sa kanyang depensa.
Sinabi ni Spurs coach Gregg Popovich na ang talento ng Golden State ang nagpapanalo sa kanila.
“They’re really talented, but that’s not everything that describes them,” pahayag ni Popovich. “This is maybe the best defensive team in the league on top of everything. So, they don’t just play with talent. They execute at the defensive end of the floor.”
- Latest