Ginobili nag-iisip nang iretiro ang kanyang Spurs uniform
SAN ANTONIO -- Tuluyan nang yumukod ang Spurs sa dominanteng Golden State Warriors sa Game Four ng NBA Western Conference Finals.
Ito ang sinasabing pinakahuling laro ni veteran guard Manu Ginobili.
Tumapos ang 39-anyos na lefty shooting guard na may 15 points kung saan isinigaw ng mga fans sa loob ng AT&T Center ang kanyang pangalan nang ilabas siya ni coach Gregg Popovich sa huling dalawang minuto ng fourth quarter.
Matapos ang 15 taon ay maaaring inilaro na ng Argentinian-Italian superstar ang kanyang pinakahuling NBA game.
Ngunit sa post-game interview ay walang sinabi si Ginobili kung ano ang kanyang plano.
“I've always said I wanted to let it sink in three weeks, four weeks before I make a decision,” wika ni Ginobili.
Bagama’t unti-unti nang nagpapasikat ang mga mas batang players sa liga, sinabi ni Ginobili na kaya pa rin niyang tapatan ang mga ito.
“I do feel like I can still play, but that's not what is going to make me retire or not,” sabi ni Ginobili, may apat na NBA championship para sa San Antonio kasama sina Tim Duncan at Tony Parker.
“One is to keep playing in this league, at this age, enjoying everyday (and) playing the sport that I still love. The other one, stay at home to be a dad, travel more (and) enjoy my whole family and to spend time with them,” ani Ginobili.
Pinili si Ginobili ng Spurs noong 1999 NBA Draft at naglaro lamang sa koponan noong 2002.
Nagtala siya ng mga averages na 7.5 points, 2.7 assists at 2.3 rebounds ngayong season para sa San Antonio.
- Latest