Yulo wagi ng gold sa Asian Gymnastics
MANILA, Philippines - Hindi ininda ni Carlos Yulo ang kanyang ankle sprain nang angkinin nito ang gintong medalya sa boys’ parallel bars sa 14th Asian Juniors Gymnastics Championships na ginaganap sa Nimibtur Gymnasium sa Bangkok, Thailand.
Nakalikom si Yulo ng 13.825 puntos para gapiin si Japanese Takeru Kitazono na naglista ng 13.75 puntos para sa pilak at si Chinese Chen Yihao na nagkasya sa tanso tangan ang 13.65 puntos.
“Masaya po at nanalo ng gold. Pero masakit pa rin,” pahayag ni Yulo patungkol sa kanyang injury na natamo habang nagsasanay noong Martes.
Si Yulo ang bukod-tanging Southeast Asian entry sa torneo kung saan nakipagsabayan ito sa matitikas na koponan mula sa China, Japan, South Korea at North Korea.
Naghahanda si Yulo para sa 2017 Southeast Asian Games na idaraos naman sa Kuala Lumpur, Malaysia.
- Latest