Crawford hinamon si Pacquiao
MANILA, Philippines - Ilang beses nang ikinunsidera ang kanyang pangalan para makalaban ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Ngunit tila iniiwasan ni Pacquiao si American world light welterweight titlist Terence Crawford.
Matapos dominahin si Dominican Republic challenger Felix Diaz ay hinamon ng 29-anyos na si Crawford ang 38-anyos na si Pacquiao para sa isang laban sa Nobyembre.
“I want Pacquiao. That’s the only fight out there that we are really looking for,” sabi ni Crawford (31-0-0, 22 KOs) matapos talunin si Diaz (19-2-0, 9 KOs) via 10th-round Technical Knockout (TKO) victory kahapon sa Madison Square Garden sa New York City.
Matagumpay na naidepensa ni Crawford ang kanyang mga bitbit na WBC at WBO light welterweight belt laban kay Diaz, ang 2008 Olympic Games gold medalist.
Si Crawford ang sinasabing pinakamahusay na boksingero ngayon kaya naman gusto ni Bob Arum ng Top Rank Promotions na maitakda ang kanilang bakbakan ni Pacquiao (59-6-2, 38 KOs).
Mas pinili ni Pacquiao na labanan si Australian fighter Jeff Horn (16-0-1, 11 KOs) kesa makatapat si Crawford.
Ayon kay Crawford, si Arum ang magpaplantsa ng kanilang laban ni ‘Pacman. Sinabi kamakalawa ni Arum na pagtatapatin niya sina Pacquiao at Crawford kung pareho nilang tatalunin ang kanilang mga karibal.
Nakatakdang idepensa ni Pacquiao ang kanyang suot na WBO welterweight crown laban kay Horn sa Hulyo 2 sa Suncorp Stadium sa Brisbane, Australia. (Russell Cadayona)
- Latest