3 panalo ang kailangan ng Global FC
MANILA, Philippines – Masusukat ang husay ng Global FC sa international club scene sa kanilang pagsabak sa preliminary/ qualifying stage ng 2017 Asian Football Confederation (AFC) Champions League.
Sinabi ng Philippine Football Federation na ang Global FC, nagkampeon sa 2016 United Football League (UFL), ang kakatawan para sa bansa sa East bracket ng nasabing premier club tournament.
Para makapasok sa group stage ng Champions League ay kakailanganin ng Global FC na ipanalo ang kanilang tatlong KO matches.
Ang Singaporean club Tampines Rovers FC ang unang makakaharap ng The People’s Club sa Jan. 24, 2017.
Kung mananalo ang Global FC kontra sa Tampines ay susunod nilang haharapin ang Brisbane Roar FC, ang fourth-placer sa Australian League, sa second round sa Jan. 31, 2017 sa Australia.
Sakaling manaig ang People’s Club sa Roar ay didiretso sila sa play-off stage laban sa home team Shanghai Shenhua FC, ang No. 4 team sa Chinese Superleague, sa Feb. 7, 2017 kung saan nakataya ang silya para sa group stage.
Mabigo man ang Global FC sa Champions League ay makakalahok pa rin sila sa second-tier AFC Cup tourney.
- Latest