Matitikas na bowlers magkakasubukan sa PBF tourney
MANILA, Philippines - Magbabakbakan ang pinakamahuhusay na keglers sa bansa sa paglarga ng 2016 Philippine Bowling Federation (PBF) National Championships na gaganapin ngayong weekend sa Coronado Lanes Starmall Edsa sa Mandaluyong City.
Bukas ang torneo sa lahat ng bowlers na nagnanais lumahok.
Paglalabanan ang gintong medalya sa Men’s Open, Ladies’ Open, Men’s Graded, Ladies’ Graded, Men’s Associate, Ladies’ Associate, Boys’ 16-under, Girls’ 16-under, Men’s Senior at Ladies’ Senior kung saan tumataginting na P700,000 premyo ang nakaabang.
Dadalo sa opening ceremony sina PBF Chairman Sen. Vicente C. Sotto III at Philippine Olympic Committee President, Jose Cojuangco Jr.
Ang Philippine Bowling Federation ay miyembro ng Asian Bowling Federation (ABF) at World Bowling Federation. Pinangungunahan ito ni dating FIQ president Steve Hontiveros kasama sina Steve Robles (Vice President), Alexander Lim (Secretary-General) at dating world champion Biboy Rivera (Treasurer).
Binuo ang PBF kasama ang iba’t ibang grupo sa bansa kasama ang former national athletes, bowling clubs at associations, proprietors at bowling enthusiasts.
Kasalukuyang hawak ni six-time World Bowling Champion Paeng Nepomuceno ang national team na siyang sasabak sa mga international competitions.
“I returned to bowling because majority of the stakeholders, wanted me to help and who am I to ignore them. I believe the PBF; will bring back the country’s glorious days in the bowling international scene,” ani Hontiveros.
Kamakailan lamang ay nagsagawa ang PBF ng try out para sa mga nais maging bahagi ng 2017-2018 National Training Pool.
- Latest