Tamaraws, Bulldogs sumampa sa No. 2
MANILA, Philippines – Pinatumba ng nagdedepensang Far Eastern University at National University ang kani-kanilang karibal kahapon upang makisalo sa ikalawang puwesto sa UAAP Season 79 men’s basketball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nasawata ng Tamaraws ang paghahabol ng University of Santo Tomas bago itarak ang 79-72 panalo tungo sa ikaapat na panalo.
Nanguna para sa FEU si Allen Trinidad na umiskor ng 17 puntos habang nakabawi si Raymar Jose na nagsumite ng 16 puntos at 10 rebounds.
“UST played tough on the defensive end. We played good defense in the first half but we relaxed in the second half,” wika ni FEU mentor Nash Racela.
Bagsak sa 2-4 ang Growling Tigers.
Sa unang laro, binanatan ng NU ang University of the Philippines sa bendisyon ng 80-69 desisyon para makopo ang ikaapat na panalo.
Bumida para sa Bulldogs si Matt Salem na humakot ng 26 puntos at pitong rebounds katuwang sina Jess Diutado at John Gallego na tumipa ng tig-12 puntos.
Tinapos ng UP ang unang ikutan hawak ang malamyang 0-7 baraha.
Makakasama ng FEU at NU sa No. 2 ang Ateneo hawak ang pare-parehong 4-2 marka.
- Latest