Pinoy wushu artists sasabak na sa aksyon
MANILA, Philippines – Isasabak ng Wushu Federation of the Philippines (WFP) ang 10 mahuhusay na bagitong atleta sa prestihiyosong 6th World Junior Wushu Championships na magsisimula ngayong araw at tatakbo hanggang Oktubre 3 sa Sports Hall Mladost sa Burgas, Bulgaria.
Pangungunahan nina 2014 World Junior Championship silver medalist Faith Liana Andaya at Asian Championships bronze medalist Agatha Wong ang kampanya ng pambansang koponan sa torneong lalahukan ng mahigit 50 bansa mula sa iba’t ibang panig ng mundo.
Hahataw din sina Johnzenth Gajo, Kimberly Macuha, Sandrex Gainsay, Mark Lester Ragay, Aleca Breana Dumseng, Adolf Aldovino, Joel Casem at Zion Daraliay sa kani-kanilang dibisyon.
Gagabayan ang koponan nina Chinese coaches Jingwei Ma at Hao Zhang, at dating world junior champion Jessie Aligaga na magsisilbing assistant coach.
May dalawang events ang naturang world meet.
Ang Taolu o form na kapapalooban ng iba’t ibang routines na Changquan, Daoshu, Jianshu, Qiangshu, Gunshu, Taijiquan, Taijijian, Nanquan, Nandao, Nangun at Duilian at ang Sanda o sparring na 48kg, 52kg, 56kg, 60kg, 65kg, 70kg, 75kg at 80kg mga dibisyon sa male category, at 48kg, 52kg, 56kg at 60kg naman sa female class.
Target ng koponan na malampasan ang dalawang pilak at isang tansong nakamit nito sa nakalipas na edisyon noong 2014 na ginanap sa Turkey.
- Latest