Pacquiao ‘di puwede maglaro sa UNTV Cup
MANILA, Philippines – Sa isang press release ay sinasabing maglalaro si Sen. Manny Pacquiao para sa Senate team na sasabak sa 5th season ng UNTV Cup basketball league.
Kaagad namang pinaalalahanan ng Philippine Basketball Association si Pacquiao dahil sa kanyang nilagdaang Uniform Players Contract (UPC) bilang playing-coach ng Mahindra.
Dahil dito ay hindi siya maaaring maglaro sa labas ng pro league.
Noong nakaraang Linggo ay naglaro ang 37-anyos na Senador para sa panalo ng Enforcers laban sa Blackwater Elite sa 2016 PBA Governor’s Cup.
Nilinaw ng PBA na maaaring maglaro ang Filipino world eight-division champion sa isang exhibition team na may basbas ng Mahindra, ngunit hindi sa isang torneo kagaya ng UNTV Cup.
Nakatakdang simulan ang nasabing torneo bukas sa Mall of Asia Arena sa Pasay City kung saan maglalaro ang Senate Defenders.
Ang iba pang kasali sa UNTV Cup ay ang nagdedepensang AFP Cavaliers, PNP Responders, MMDA Blackwolves, NHA Builders, BFP Firefighters, Judiciary Magis, Malacañang Kamao, GSIS Furies, HOR Solons, DOJ Justice Boosters, Ombudsman Graftbusters at BOC Transformers.
Muntik na ring maglaro si Pacquiao para sa Pilipinas Aguilas sa Asean Basketball League (ABL) kundi laang napaalalahanan tungkol sa kanyang pinirmahang UPC sa PBA.
Bukod kay Pacquiao, nasa line-up din ng Senate Defenders sina Senators Sonny Angara at Joel Villanueva.
Si dating Adamson mentor Mike Fermin ang gagabay sa Senate team katuwang si Rodel Dascil.
- Latest