China Open World 9-Ball Tourney Pinoy cue artists mainit ang simula
MANILA, Philippines - Sumargo si Jeffrey de Luna ng dalawang panalo tampok ang 9-6 paggitla kay dating world champion Ko Pin Yi para pangunahan ang pagpasok ng mga Pinoy sa susunod na yugto ng China Open World 9-Ball tournament sa Shanghai.
Naglalaro sa Group D, binuksan ni De Luna ang kanyang kampanya sa double-elimination format first phase sa pamamagitan ng 9-6 paggupo kay Yang Ching Shun bago talunin ang Taiwanese na si Ko, 9-6, para makapasok sa single-elimination stage.
Nagtala rin ng panalo sina teen ace Chezka Centeno at dating world titlist Rubilen Amit sa women’s division.
Pinabagsak ng 16-anyos na si Centeno, nagreyna sa Spring International Women 9-Ball Championship noong June, si Sollip Choi, 7-2, matapos makakuha ng bye sa Group C opener, habang tinalo ni Amit si Gu Zhengqin, 7-1, sa Group F.
Umabante rin sa susunod na yugto sina Johann Chua at Jeffrey Ignacio sa kanilang mga grupo.
Dinaig ni Chua si Hussain Abdulmajeed, 9-6, kasunod ang 9-7 panalo kay Denis Grabe sa Group C, samantalang pinantumba ni Ignacio sina Gregory Harada, 9-3 at Francisco Sanchez-Ruiz, 9-6, sa Group E.
Nalampasan naman ni World No. 4 Carlo Biado ang hamon ni Robert Foldvani, 9-6, sa Group E, ngunit nabigo kay Mario He, 3-9, at bumagsak sa losers’ side kagaya ni Lee Van Corteza na tinakasan si Wen Yu, 9-8, at yumukod kay Fu Jiambo, 5-9.
- Latest