Pinutulan ng linya ang Tropang Texters Mahindra may tiket na sa quarterfinals
MANILA, Philippines - Kasabay ng pagpapalasap sa Tropang Texters ng kauna-unahan nitong kabiguan ay inangkin naman ng Enforcers ang ikalawang quarterfinals ticket.
Kumolekta si import James White ng 24 points, tampok dito ang perpektong 10-of-10 shooting sa freethrow line, at 10 rebounds para pangunahan ang Mahindra sa 107-104 panalo laban sa TNT Katropa sa 2016 PBA Governor’s Cup kagabi sa Smart Araneta Coliseum.
Ang ikalawang sunod na panalo ng Enforcers ang nag-angat sa kanila sa solong ikalawang puwesto sa kanilang 6-2 record sa ilalim ng nangungunang Tropang Texters (6-1).
“I told them before this game that it would take nothing less than a championship effort for us to win today,” sabi ni coach Chris Gavina, nakahugot ng 15 markers kay Paolo Taha kasunod ang 12 ni LA Revilla at 11 ni Mike Digregorio.
Kumamada naman si point guard Jayson Castro ng game-high na 33 points para pamunuan ang TNT Katropa, habang nag-ambag si import Mychal Ammons ng 20.
Inagaw ng Enforcers ang 78-72 abante sa third period bago nakalapit ang Tropang Texters sa 96-101 sa huling 1:07 minuto ng fourth quarter.
Ang tatlong free throws ni Revilla at dalawang charities ni Taha sa natitirang 18.2 segundo ang tuluyan nang sumelyo sa panalo ng Mahindra.
“Definitely it’s a new ground for us. We’re happy we made franchise history of reaching six wins,” sabi ni Gavina.
Samantala, kasalukuyang naglalaro ang NLEX at Phoenix habang sinusulat ito.
Mahindra 107 - White 24, Taha 15, Canaleta 13, Revilla 12, Digregorio 11, Guinto 9, Bagatsing 8, Agovida 4, Jaime 4, Ramos 4, Yee 3, Ballesteros 0, Elorde 0.
TNT Katropa 104 - Castro 33, Ammons 20, Fonacier 13, Rosario 11, De Ocampo 9, Rosales 5, Williams 4, Reyes 3, Tautuaa 3, Madanly 2, Carey 1, Rosser 0.
Quarterscores: 19-23; 51-44; 78-72; 107-104.
- Latest