Foton Pilipinas ‘di kinaya ang Sisaket
MANILA, Philippines – Natikman ng Foton Pilipinas ang unang kabiguan matapos yumuko sa powerhouse Sisaket, 13-25, 10-25, 18-25, kagabi sa 2016 Thailand Women’s Volleyball Championship na ginaganap sa Wi Sommai Gymnasium sa Sisaket Province, Thailand.
Kaliwa’t kanang atake ang pinakawalan nina middle blocker Pleumjit Thinkaow at open spiker Apinyapong katuwang si Asia’s best setter Nootsara Tomkom na mga miyembro ng Thailand national team.
Ramdam ang pagkawala nina 6-foot-5 Jaja Santiago at Jovelyn Gonzaga na malaking tulong sana sa depensa sa net ng Tornadoes.
Hindi nakasama si Santiago dahil sa kanyang academics sa National University habang hindi nakakuha ng release order si Jovelyn Gonzaga mula sa Philippine Army.
Nahulog sa 0-1 ang Foton kung saan kinakailangan nitong maipanalo ang kanilang mga nalalabing laro upang makapasok sa semis.
Samantala, target ng Tornadoes ang importanteng panalo laban sa powerhouse Bangkok Glass-Thailand ngayong alas-11:30 ng umaga (12:30 ng tanghali sa Maynila).
Ang torneo ay bahagi ng paghahanda ng Foton para sa 2016 Asian Volleyball Confederation (AVC) Asian Women’s Club Championship na gaganapin mula Setyembre 3 hanggang 11 sa Biñan, Laguna.
Matapos ang Bangkok Glass, makakaharap ng Foton ang Rungsit University bukas sa alas-12:30 ng tanghali (oras sa Maynila).
- Latest