PBA D-League referees tinapik ni Adalem
MANILA, Philippines – Walong koponan ang mag-uunahang masungkit ang unang panalo sa paglarga ng 2016 National Athletic Association of Schools, Colleges and Universities (NAASCU) men’s basketball tournament bukas (Huwebes) sa Cuneta Astrodome sa Pasay City.
Unang sasalang ang Saint Clare College-Caloocan laban sa AMA University sa alas-10 ng umaga kasunod ang bakbakan ng Colegio de San Lorenzo at City University of Pasay, Philippine Merchant Marine School at Our Lady of Fatima University, at ng Philippine Christian University at Lyceum of the Philippines.
Kinuha ni NAASCU Chairman Dr. Ernesto Jay Adalem ang serbisyo ng PBA D-League referees upang masiguro ang maayos na pagpapatakbo ng mga laro sa liga.
Nakipagkasundo si Adalem sa pamunuan ng PBA sa pangunguna ni PBA commissioner Chito Narvasa, Supervisor for PBA D-League referees Boy Cruz at PBA deputy director for basketball operations Eric Castro.
Plano rin ni Adalem na isama ang weightlifting sa kalendaryo ng NAASCU sa pag-asang makatuklas ng mga atletang posibleng sumunod sa yapak ni Rio Olympics silver medalist Hidilyn Diaz.
Ipalalabas ang ilang mga laro sa NAASCU sa Solar Sports at BTV.
May 14 miyembro ang liga ngunit hindi masisilayan sa taong ito ang three-time champion Centro Escolar University.
- Latest