Braves patatatagin ang kapit sa solong liderato vs Junior Pirates
MANILA, Philippines – Patatatagin ng Arellano University ang kapit sa solong pamumuno sa pagharap nito laban sa Lyceum of the Philippines University sa pagpapatuloy ng NCAA juniors basketball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Makakatipan ng Braves ang Junior Pirates sa alas-4 ng hapon kung saan pakay ng una na maisukbit ang ikapitong sunod na panalo.
Nahablot ng Arellano ang unang puwesto matapos payukuin ang Mapua Robins, 83-74, noong nakaraang linggo sa pangunguna nina Guillmer Dela Torre at Aaron Fermin
Si Dela Torre ay may average na 18.5 points, 6.2 rebounds, 2.7 assists at 1.5 steals habang si Fermin ay may 10.8 points, 10.5 rebounds at 1.5 blocks kada laro.
“We have to be consistently aggressive in what we do, may it be in offense or defense because that will help the team in a long way,” wika ni Arellano coach Tyler Darjuan na muntik nang mapataob ang seven-peat titlist San Beda noong nakaraang taon.
Ang San Beda naman ay naglalayong makuha ang ikaanim na dikit na panalo sa pagharap nito laban sa San Sebastian Staglets sa alas-10:45 ng umaga.
Magtutuos din ang Colegio de San Juan de Letran (3-3) at University of Perpetual Help System Dalta (3-3) sa alas-9 ng umaga, ang St. Benilde-La Salle Greenhills (3-3) at Jose Rizal (2-4) sa alas-12:30 ng tanghali at ang EAC (0-6) at last year’s third placer Mapua (4-1) sa alas-2:15 ng hapon.
- Latest