Local reinforcements gamay na ang sistema ng Foton
MANILA, Philippines – Unti-unti nang nagiging solido ang galaw ng Foton kasama ang apat na local reinforcements kaya’t optimistiko itong makapagbibigay ng magandang laban ang Pilipinas laban sa matitikas na koponang sasabak sa Asian Women’s Club Championship sa Setyembre.
Ayon kay Foton mentor Vilet Ponce-De Leon, mabilis na nakaagapay sina Aby Maraño, Jovelyn Gonzaga, Rachel Ann Daquis at Jen Reyes sa sistema ng Tornadoes dahil na rin sa malalim nitong karanasan sa international competitions.
“Their international playing experience will certainly help our young players in coping with the pressure of playing against strong foreign teams, for me, that would be the biggest contribution of Maraño, Daquis, Gonzaga, and Reyes,” wika ni Ponce-De Leon.
Maganda rin ang samahan ng Foton dahil magkakakilala na rin ang mga ito.
Makakasama nina Maraño, Daquis, Gonzaga at Reyes sina Jaja Santiago, EJ Laure, Cherry Ann Rondina, Rhea Dimaculangan, Ivy Perez, Maika Ortiz, Bia General, Kara Acevedo at Carol Cerveza.
“Madali silang makisama at pakisamahan, at alam naming lahat na malaki ang maitutulong nila sa team,” wika ng 6-foot-5 na si Santiago.
Nakatakda ring dumating sa bansa sa Agosto sina Grand Prix MVP Lyndsay Stalzer at Ariel Usher upang maging foreign imports ng Tornadoes sa naturang Asian meet na gaganapin mula Setyembre 3 hanggang 11 sa Alonte Gym sa Biñan, Laguna.
Ang Foton-Pilipinas ay nasa Pool A kasama ang Lien Viet Post Bank ng Vietnam at ang Hong Kong national team.
Sasabak din ang Bangkok Glass-Thailand, April 25-North Korea, Sarmayeh Bank-Iran, Hisamitsu Springs-Japan, Zhetysu Almaty-Kazakhstan, Jakarta Electric PLN-Indonesia, Taiwan Power-Chinese Taipei at Bayi Army-China.
- Latest