Petron nagpatibay sa 3rd spot
MANILA, Philippines - Magarbong tinapos ng nagdedepensang Petron ang unang yugto ng eliminasyon matapos gibain ang Standard Insurance-Navy, 25-16, 25-18, 25-19, kahapon sa 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.
Nasungkit ng Tri-Activ Spikers ang pang-limang panalo para kapitan ang ikatlong puwesto tangan ang 5-2 marka.
Lumubog naman ang Standard Insurance-Navy sa 2-5 baraha.
Nagbalik ang bangis ni Aiza Maizo-Pontillas nang humataw ng 15 puntos, habang may 13 si Maica Morada at sina Remy Palma, Bernadeth Pons at Ces Molina ay pumalo ng tig-9 para Petron.
Nagpasiklab rin si FIVB World Club Women’s Championship-bound Jen Reyes na nagtala ng 15 digs at 15 excellent receptions para sa Petron.
Sa unang laro, mabilis na pinataob ng Cignal ang Amy’s Kitchen, 25-21, 25-12, 25-21, upang masayang tapusin ang eliminasyon hawak ang 2-5 rekord.
Sumandal ang HD Spikers kay College of St. Benilde standout at NCAA’s best blocker Jeannette Panaga na nagpakawala ng 18 puntos, habang nagdagdag si Cherry May Vivas ng 10 puntos.
Hindi kuntento si Cignal coach Sammy Acaylar sa inilaro ng kanyang tropa na bigong makapasok sa Final Four at tuluyang nalaglag sa classification round kung saan ika-limang puwesto lamang ang pinakamataas nitong maaabot.
Lumasap ng ika-pitong sunod na kabiguan ang Amy’s para samahan ang Cignal, Standard Insurance-Navy at Generika sa classification phase.
- Latest