Alora makakatapat agad ang Olympic gold winner
MANILA, Philippines - Sumakay si Kirstie Elaine Alora, ang nag-isang atleta ng Pilipinas sa taekwondo competitions ng 2016 Olympic Games, sa delegasyon na bibiyahe ng 25 oras patungo sa Rio de Janeiro via Dubai.
Sakay ng Emirates jumbo jet, maraming iniisip ang 26-anyos na si Alora.
Mauuna siyang dumating sa Rio bago ang Aug. 5 opening ceremony, habang magsisimula ang taekwondo sa Aug. 20.
Ito ang unang Olympics ni Alora at sa kanyang opening match sa +67 kg division ay kaagad niyang makakatapat ang 2008 Beijing Olympics gold medalist na si Maria Espinoza ng Mexico.
Naglaban na sina Alora at Espinoza sa isang torneo sa China matapos ang Beijing Olympics kung saan siya natalo, 1-2.
Sa Aug. 20 sa Carioca Arena 3 ng Barra Olympic Park ay muling maghaharap sina Alora at Espinoza.
“I will be fighting the number one in my category,” sabi ni Alora.
Hindi natatakot ang two-time bronze medalist sa Asian Games sa 28-anyos na si Espinoza.
Mula sa Beijing Olympics ay nagbalik si Espinoza noong 2012 Summer Games sa London bilang Mexican flag-bearer.
Sa nasabing Olympics ay bronze medal lamang ang nakamit ng Mexican jin.
“Unang laban ko bakbakan na agad,” sabi ni Alora, nakamit ang tiket sa Rio Olympics matapos makuha ang silver medal sa Olympic Games Qualification Asia noong Abril sa Pasay City.
- Latest