Foton handa na sa haharaping laban
MANILA, Philippines – Handang-handa na ang Foton-Pilipinas na sumabak sa darating na 2016 AVC Asian Women’s Club Championship na nakatakda sa Sept. 3-11 sa Alonte Sports Center sa Biñan City.
Ito ang nagkakaisang pahayag ng mga players ng Foton sa idinaos na press conference kahapon sa Crimson Hotel sa Alabang kasama si head coach Villet Ponce-de Leon.
“Since we have four local reinforcements, what we are doing right now is improving their camaraderie, ‘yong magkakaamuyan sila, alam nila ang role ng bawat isa sa team,” sabi ni Ponce-de Leon.
Ang mga dumadalo sa twice-a-week training sessions ay sina guest players Aby Maraño ng F2 Logistics, Jen Reyes ng Petron at sina Rachel Anne Daquis at Jovelyn Gonzaga ng RC Cola-Army.
Regular ding nag-eensayo sina Foton players Jaja Santiago, Angeli Araneta, Patty Orendain, Maika Ortiz, Ivy Perez, Rhea Dimaculangan, Bia General, Kara Acevedo, EJ Laure, Cherry Rondina at Carol Cerveza.
Ang Foton Pilipinas ay palalakasin nina imports Lindsay Stalzer at Ariel Usher, na darating sa bansa sa Agosto 13 at 16, ayon sa pagkakasunod.
Si Stalzer ang hinirang na Most Valuable Player nang angkinin ng Foton ang korona ng 2015 Philippine Superliga Grand Prix.
- Latest