Garcia handa nang ipasa ang maiiwang trabaho kay Ramirez
MANILA, Philippines - Kasalukuyan nang inihahanda ni outgoing Philippine Sports Commission chairman Richie Garcia ang mga papeles na kanyang maiiwan para sa nagbabalik na si William ‘Butch’ Ramirez.
Nakatakdang magkita sina Garcia at Ramirez, nagsilbi sa sports agency bilang chairman noong 2005 hanggang 2009, sa Martes para sa isang transition meeting.
“During that meeting we will be giving him the list that is left hanging. Hopefully, this will be cleared so he can take over starting July 1,” wika kahapon ni Garcia sa paglulunsad ng PSC coffee table book sa PSC Dining Hall.
Pormal na tinanggap kamakalawa ni Ramirez, isang tubong Davao, ang alok sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte na muling pamahalaan ang komisyon.
Sa pangangasiwa ni Ramirez sa PSC ay hinirang ang Pilipinas bilang overall champion ng Southeast Asian Games noong 2005 na idinaos sa bansa.
“It will be an asset for him because in my six years in the PSC, you have to have that feel with the athletes and you have to be able to get along with the POC and the 50-plus NSAs. Unless you have an experience in dealing with NSAs, it will be very hard for any chairman,” ani Garcia. ”
Nagkasama sina Garcia at Ramirez sa PSC bilang mga Commissioners sa termino ni Pangulong Joseph Estrada bago hinirang si Ramirez bilang chairman noong 2005 sa panahon ni Presidente Gloria Macapagal-Arroyo.
Nanatili naman si Garcia bilang Commissioner.
Sa susunod na linggo ay inaasahang papangalanan ang tatlo pang Commissioners. (RCadayona)
- Latest