Operasyon sa injury ni Slaughter tagumpay
MANILA, Philippines - Naging matagumpay ang isang surgical procedure sa ankle injury ni Barangay Ginebra center Greg Slaughter sa ilalim ni sports surgeon Raul Canlas.
Ito ang inihayag kahapon ng seven-foot giant sa kanyang Twitter account.
“Thank you Lord for a successful surgery. Let the healing begin!” ani Slaughter kaugnay sa kanyang ankle problem.
Ang naturang ankle injury ang naging dahilan ng pagkalas ni Slaughter sa kanyang pag-eensayo sa Gilas Pilipinas, naghahanda para sa darating na 2016 Olympic Qualifying Tournament sa Hulyo 5-10 sa Mall of Asia Arena.
Isang triple tower combination sana ang maipaparada ni coach Tab Baldwin para sa OQT kasama sina 6’11 naturalized player Andray Blatche at 6’10 June Mar Fajardo ng San Miguel.
Dahil din sa operasyon ay tuluyan na ring humulagpos ang pag-asa ni Slaughter para sa 2016 PBA Most Valuable Player award.
Kung magiging mabilis ang paggaling ng kanyang operasyon ay maaari pang makahabol si Slaughter sa kampanya ng Gin Kings sa 2016 PBA Governor’s Cup.
Naging bahagi si Slaughter ng original na Gilas Pilipinas program kasama sina naturalized center Marcus Douthit, Chris Tiu, JVee Casio, Mark Barroca, Mac Baracael, Marcio Lassiter at Chris Lutz.
Pinili siya ng Ginebra bilang No. 1 overall pick noong 2013 PBA Rookie Draft. Noong 2015 ay inimbitahan siya ng Gilas Pilipinas para maging sentro sa FIBA Asia Championship sa Changsha, China ngunit tumanggi.
- Latest