Huey-Mirnyi umusad sa 2nd round
MANILA, Philippines - Naitakas nina Filipino Treat Huey at Belarusian Max Mirnyi ang pukpukang 6-7 (3), 7-6 (5), 6-1 panalo laban kina Italians Fabio Fognini at Andreas Seppi upang umabante sa second round ng prestihiyosong 2016 French Open doubles competition na ginaganap sa Stade Roland Garros sa Paris, France.
Nagpakawala ng anim na pinagsamang aces sina Huey at Mirnyi kumpara sa dalawa lamang na naitala nina Fognini at Seppi. Nakuha rin nina Huey at Mirnyi ang apat sa 12 break points sa laban.
“It’s a good first round win today at Roland Garros (for us),” pahayag ni Huey sa kanyang Twitter account.
Sunod na makakasagupa ng 10th seeds na sina Huey at Mirnyi sina Ricardas Berankis ng Lithuania at Lukas Rosol ng Czech Republic na umiskor din ng pahirapang 6-7(3), 7-6(9), 6-4 panalo laban kina Marcelo Demoliner ng Brazil at Marin Draganja ng Croatia.
Hahataw din sa mixed doubles si Huey kung saan makakapares nito si Andreja Klepac ng Slovenia.
Aarangkada naman sa boys’ juniors si Alberto Lim Jr. na nakasisiguro na ng tiket sa main draw dahil sa kanyang ika-23 puwesto sa International Tennis Federation rankings. (CCo)
- Latest