PSL Annual Rookie Draft: Galang o Rosario bilang top pick ng RC Cola-Army
MANILA, Philippines - Magkakaalaman na ngayong hapon kung sino kina UAAP MVP Ara Galang ng De La Salle University at NCAA MVP Christine Joy Rosario ng Arellano University ang tatanghaling top overall pick sa Philippine Superliga (PSL) Annual Rookie Draft na gaganapin sa Music Hall Oval Venue sa SM Mall of Asia sa Pasay City.
Magsisimula ang programa sa alas-5 kung saan nasa kamay ng RC Cola-Army ang karapatang piliin ang top pick.
Nagdesisyon si Galang na lumahok sa draft sa pagkakataong ito at umaasang makakasama ang kanyang La Salle teammates na sina Mika Reyes, Cyd Demecillo, Kim Fajardo at Kim Dy sa F2 Logistics.
Marami naman ang napahanga sa husay ng 6-foot-1 na si Rosario sa ginanap na rookie camp noong Martes kaya’t malaki rin ang posibilidad na kunin ito ng Lady Troopers. Dati nang naglaro si Rosario sa Petron Tri-Activ.
Kasama rin sa pagpipilian ang rookie aspirants na sina Danna Henson, Shirley Salamagos at Angel Legacion ng Arellano; Asi Soliven ng National University; Mary Grace Berte ng Holy Cross of Davao; at sina Marlyn Llagoso at Jerra Mae Pacino ng Southwestern University-Cebu gayundin sina Renelyn Raterta ng University of Mindanao, Jonah Sabete ng Bulacan State University, Gen Casugod ng Far Eastern University, Sheryl Laborte ng University of Negros Occidental, Lourdes Patilano ng Adamson University, Sarina Bulan ng University of the East at Christine Suyao ng Emilio Aguinaldo College.
Matapos ang RC Cola-Army, sunod na pipili ang Generika, Perpetual, Standard Insurance-Navy, F2 Logistics, Cignal, Petron at Grand Prix champion Foton.
- Latest