E-Painters sesentensyahan na ang Beermen
MANILA, Philippines – Nasa Rain or Shine na ang pagkakataon para magantihan ang San Miguel na dalawang beses sumibak sa kanila sa semifinal round ng nakaraang PBA Governor’s Cup at Philippine Cup.
Bitbit ang 2-0 bentahe sa kanilang best-of-five semifinals series, pipilitin ng Elasto Painters na tuluyan nang walisin ang Beermen sa Game Three ngayong alas-7 ng gabi sa 2016 PBA Philippine Cup sa Philsports Arena sa Pasig City.
Si assistant coach Caloy Garcia ang gumiya sa Rain or Shine sa 98-96 pagtakas laban sa San Miguel sa Game Two noong Martes dahil dumalo si head coach Yeng Guiao sa isang candidates debate sa Pampanga.
“We still have to work on other stuff because we know that San Miguel is capable to come back,” sabi ni Garcia na muling babalik sa kanyang trabaho bilang kanang kamay ng nagbabalik na si Guiao sa bench.
Nauna nang tinalo ng Elasto Painters ang Beermen sa Game One, 98-94, kung saan sila bumangon mula sa 18-point deficit sa first period para agawin ang panalo.
Pupuntiryahin ng Rain or Shine ang kanilang pang-anim na championship appearance na inaasahang pipigilan ng San Miguel, nagkampeon sa nakaraang PBA Governor’s Cup at Philippine Cup.
“Kung susuwertihin. Basta hindi kami susuko. Gusto namin ulit makabalik sa finals,” sabi ni veteran center JR Quiñahan, muling makakatuwang sina Jeff Chan, import Pierre Henderson-Niles, Jericho Cruz, Gabe Norwood, Beau Belga at Raymond Almazan para sa Elasto Painters, nagkampeon noong 2012 PBA Governor’s Cup.
Mula sa 0-3 pagkakabaon ay inangkin ng San Miguel ang sumunod na apat na laro para talunin ang Alaska sa kanilang best-of-seven championship series ng nakaraang PBA Philippine Cup.
- Latest