Thunder tinapos ang Mavericks; Hornets, Blazers itinabla ang serye
OKLAHOMA CITY - Ipinakain ni guard Russell Westbrook ang pahayag ni Dallas Mavericks owner Mark Cuban tungkol sa kanya.
Kumamada si Westbrook ng 36 points, 12 rebounds at 9 assists, para pamunuan ang Thunder sa 118-104 panalo kontra sa Mavericks at ipanalo ang kanilang first-round playoff series sa 4-1 papapasok sa Western Conference semifinals.
Sa pregame interview ay sinabi ni Cuban na si Kevin Durant lamang ang nag-iisang superstar sa Thunder.
Tinanong si Westbrook matapos ang laro tungkol sa naturang komento ni Cuban, at si Durant ang sumagot para sa kanya.
“He’s an idiot,” gigil na wika ni Durant kay Cuban. “He’s an idiot. Don’t listen to -- he’s an idiot. That’s what we’ve got to say about that. He’s an idiot. Next question.”
Tumipa si Westbrook ng 13-of-23 fieldgoal shooting at naglista ng 7-of-8 clip sa free throw line.
Nagdagdag naman si Durant ng 33 points at kumolekta si Steven Adams ng 15 points at 10 rebounds para sa Thunder na sasagupain ang San Antonio Spurs sa kanilang semifinals series na magsisimula sa Sabado.
Binanderahan naman ni Dirk Nowitzki ang Mavericks sa kanyang 24 points, habang may 16 si Dwight Powell kasunod ang 14 ni Justin Anderson at 12 ni Zaza Pachulia.
Sa Charlotte, umiskor si Kemba Walker ng playoff career-high na 34 points, habang nag-ambag si Jeremy Lin ng 21 markers para ihatid ang Hornets sa 89-85 panalo laban sa Miami Heat at itabla sa 2-2 ang kanilang first-round series.
Kumonekta si Walker ng 11 sunod na Charlotte points sa fourth quarter matapos makalapit sa dalawang puntos ang Miami sa 6:07 minuto ng laro.
Sa Portland, tumapos si Al-Farouq Aminu na may career-high na 30 points para igiya ang Trail Blazers sa 98-84 panalo laban sa Los Angeles Clippers at itabla sa 2-2 ang kanilang serye.
Nagkaroon si Clippers’ guard Chris Paul ng wrist injury sa third quarter at hindi na nakabalik sa laro.
- Latest