Diretsong sais sa Lions, Altas sa NCAA Men’s Beach Volleyball
MANILA, Philippines - Nasungkit ng University of Perpetual Help System Dalta at San Beda College ang kani-kanilang ikaanim na sunod na panalo upang mapatatag ang kanilang kapit sa liderato sa NCAA Season 91 beach volleyball tournament sa Subic Bay, Zambales.
Binanderahan nina Taneo brothers Relan at Rey, Jr. ang kampanya ng Altas nang gapiin nito sina Philip Michael Bagalay at Samuel Joseph Almales ng Mapua Institute of Technology, 21-15, 21-19 upang manatiling malinis ang kanilang rekord sa men’s division.
Bumagsak sa 5-1 ang Mapua.
Isang panalo na lamang ang kakailanganin ng Altas upang masiguro ang unang puwesto sa Final Four.
Kung mawawalis ng Taneo brothers ang lahat ng kanilang asignatura sa eliminasyon, makasisiguro ito ng awtomatikong tiket sa finals.
Ang Taneo brothers ay bahagi rin ng Perpetual Help team na nagkampeon kamakailan sa indoor volleyball kung saan hinubaran nito ng korona ang Emilio Aguinaldo College.
Sa women’s division, minanduhan nina Maria Jeiziela at Maria Nieza Viray ang San Beda sa pagpapabagsak kina Julia Angeles at Regielyn Cabrera ng Colegio de San Juan de Letran sa bisa ng 25-23, 21-13 panalo.
Solo ng San Beda ang unahan ng standings tangan ang imakuladang 6-0 rekord.
Namayani rin sina San Sebastian spikers Grethcel Soltones at Dangie Encarnacion kontra kina College of St. Benilde bets Jannine Navarro at Melanie Torres, 21-13, 21-14.
Magkasalo ang Lady Stags at Lady Blazers sa ikalawang posisyon taglay ang parehong 5-1 marka.
“Somehow it feels good but the tournament is not yet over, we still have work to do,” wika ni Soltones.
- Latest