^

PSN Palaro

Gabi ng mga atleta ngayon

Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines - Ito na ang gabing pina­kahihintay ng mga atletang nagpakitang-gilas sa naka­raang taon.

Papagitna ang mga ba­yani at mga bituin sa Philippine sports ng nagdaang taon sa pagdaraos ng Philippine Sportswri­ters Association (PSA) ng Annual Awards Night na inihahandog ng Milo at San Miguel  Corp.

Ang dalawang world boxing champions at isang rising golf star na nagkampeon sa nakaarang Asian Tour circuit ang babandera sa mahabang listahan ng mga awardees na parara­ngalan ngayong gabi sa One Esplanade sa Pasay City.

Pormal na ibibigay kina World Boxing Organization (WBO) super-bantamweight title holder Nonito Donaire Jr.,  long-time WBO light-flyweight champ Donnie Nietes at Asian Tour winner Miguel Tabuena ang PSA Athlete of the Year award mula sa pinakamatandang media organization sa bansa sa ilalim ni president Riera Mallari, ang sports editor ng The Standard.

Ito ang ikaapat na pagkakataon na tatanggapin ng 33-anyos na si Donaire ang PSA Athlete of the Year award na ibinibigay ng sportswriting fraternity sa mga karapat-dapat na mga atleta matapos noong 2007,  2011 at 2012, habang ito naman ang una para sa 33-anyos na si Nietes at sa 21-anyos na si Tabuena.

Kabuuang 111 awar­dees ang pararangalan sa event na pamamahalaan nina Quinito Henson at Patricia Bermudez-Hizon bilang host sa programang magsisimula sa alas-7:30 ng gabi at itinataguyod ng Philippine Sports Commission (PSC) bilang major sponsor at suportado ng Smart, MVP Foundation, Maynilad, Philippine Amusement and Gaming Corp., Philippine Basketball Association, Philippine Charity Sweepstakes Office/Philracom,  Accel, Sen. Chiz Escudero, SM Prime Holdings, Rain or Shine, Globalport, National University at One Esplanade.

Bibigyan din ng re­kog­nisyon ang Gilas Pilipinas national cage team sa pamamagitan ng President’s Award at si Alaska chief e­xecutive officer and president Wilfred Uytengsu Jr. bilang Executive of the Year.

Si Uytengsu, dating mi­yembro ng national swimming team at ngayon ay aktibong triathlete, ang tatayong guest speaker ng two-hour formal rites.

Bibigyan naman ng citations ang mga gold me­dalists ng 28th Southeast Asian Games at ASEAN Para Games, habang ang walong namayapang na­ging bahagi ng Philippine sports ay tatanggap ng posthumous awards.

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with