Ateneo Lady Eagles hindi mapigilan
MANILA, Philippines – Dinagit ng defending champion Ateneo De Manila University ang Far Eastern University, 25-22, 25-19, 25-15, upang manatiling malinis ang rekord kahapon sa University Athletic Association of the Philippines Season 78 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City
Kumana si back-to-back MVP Alyssa Valdez 16 puntos at walong digs para pamunuan ang Lady Eagles na tukain ang ikatlong sunod na panalo.
“First time naming maglaro rito sa MOA Arena this season kaya medyo nag-aadjust pa kami. Kailangan naming maging consistent this season,” ani Valdez.
Nagdagdag si Madeleine Madayag ng 11 puntos tampok ang apat na aces, habang umiskor ng pinagsamang 19 puntos sina Jhoana Maraguinot at Bea De Leon.
Nakapagtala ng 38 sets si Ateneo playmaker Jia Morado, malayo sa 13 ni Gyzelle Sy para sa FEU.
Laglag sa 1-2 ang Lady Tamaraws na nakakuha ng 12 puntos mula kay Toni Rose Basas at 10 buhat kay Jerrili Malabanan.
Sa men’s division, ginulantang ng Adamson University ang reigning champion Ateneo, 25-19, 17-25, 22-25, 26-24, 15-13, para ilista ang kanilang ikalawang panalo sa tatlong laro.
Namayani rin ang FEU laban sa University of the East, 25-18, 25-22, 25-21.
- Latest