PSL tankers kumolekta ng 26 medalya sa Tokyo swimfest
TOKYO - Tatlong bagong marka at kabuuang 26 medalya ang hinakot ng delegasyong ipinadala ng Philippine Swimming League (PSL) sa 2016 Tokyo Winter Swimming Championship na idinadaos sa St. Mary’s International School swimming pool dito.
Humakot ang Pambansang koponan ng 13 ginto, 7 pilak at 6 tanso at nahigitan ang prediksyon na mag-uuwi ng hindi bababa sa 8 gintong medalya.
Nanguna sa kampanya ng PSL ang 8-anyos na si Marc Bryan Dula, mula sa Weisenheimer Academy na sumira ng dalawang marka sa boys’ 8 years category 50m butterfly (38.08) at 50m backstroke (39.45), habang nakasiguro rin ito ng ginto sa 25m butterfly (17.83) at 20m backstroke (19.41).
Gumawa rin ng bagong record si Micaela Jasmine Mojdeh ng Immaculate Heart of Mary College-Parañaque sa girls’ 9-10 years 50m butterfly (35.25).
Nilangoy din ni Mojdeh ang ginto sa 50m breaststroke (42.95), 100m butterfly (1:19.47) at 100m breaststroke (1:31.96).
Humataw naman si Joey Del Rosario ng De La Salle-Zobel ng apat na ginto sa boys’ 8 years 25m freestyle (16.76), 50m freestyle (35.44), 25m breaststroke (22.60) at 50m breaststroke (48.06).
“It’s an overwhelming result. We’re happy that we were able to accomplish our mission here. Malalakas ang mga kalaban pero hindi nagpatalo ang mga bata sa kabila ng malamig na panahon. Hindi sanay ang mga bata sa malamig na panahon pero talagang palaban sila,” wika ni PSL president Susan Papa sa naging kampanya ng tropa.
Nag-ambag din si Sean Terence Zamora ng University of Santo Tomas ng ginto sa boys’ 15-over event matapos pagharian 200m Individual Medley (2:12.85).
Bukod sa ginto kinubra rin ni Zamora ang pilak sa 200m backstroke at tanso sa 50m freestyle.
- Latest