Soltones makikipagtambal kay Encarnacion sa beach volleyball
MANILA, Philippines – Makikipagtambal si Gretchel Soltones kay Dangie Encarnacion ng San Sebastian College para sa pagdedepensa ng kanilang women’s title sa 91st NCAA beach volleyball tournament na nakatakda sa Feb. 10-15 sa Broadwalk ng Subic Bay Free Port Zone sa Zambales.
Magbabalik si Soltones sa sandcourt para kalimutan ang masaklap na kabiguan ng Lady Stags sa St. Benilde Lady Blazers sa indoor volleyball finals.
“She will play,” paniniyak ni San Sebastian coach at athletic director Roger Gorayeb kay Soltones, ang back-to-back NCAA MVP sa indoor volleyball at ang reigning MVP sa beach volley.
Magsisilbi namang reserve ng Lady Stags si libero Alyssa Eroa.
Kasalukuyang magkatabla ang San Sebastian at Perpetual Help sa pagkakaroon ng pinakamaraming women’s team title sa kanilang tig-apat matapos ipakilala ang sport 14 taon na ang nakakalipas.
Ang Lady Altas ay kinakatawan nina Jam Suyat at Vhima Condada.
Samantala, itataya ng St. Benilde ang kanilang men’s crown sa torneong pinamamahalaan ng Jose Rizal University.
Puntirya naman ng Emilio Aguinaldo College ang kanilang ‘four-peat’ sa high school division.
- Latest