NU Bullpups pasok sa UAAP Finals
MANILA, Philippines – Tuluyan nang inangkin ng National University ang automatic finals berth nang payukurin ang De La Salle-Zobel, 80-57, sa UAAP Season 78 juniors basketball tournament kahapon sa Filoil Flying V Arena.
Kumamada si Justine Baltazar ng kanyang ika-11 double-double sa season sa hinakot na 18 points at 8 rebounds para igiya ang Bullpups sa perpektong 14-0 record sa eliminasyon.
Napasakamay din ng NU, naghari dalawang taon na ang nakakalipas, ang mahalagang ‘thrice-to-beat’ incentive dahil sa pagwalis sa eliminasyon.
Tinalo naman ng nagdedepensang Ateneo ang FEU-Diliman, 78-53, para sa ikatlong silya mula sa kanilang 10-4 baraha.
Magsisimula ang step-ladder semifinals sa Miyerkules kung saan makakalaban ng Blue Eaglets ang FEU Baby Tamaraws sa isang ‘do-or-die’ match para sa karangalang labanan ang may ‘twice-to-beat’ na De La Salle-Zobel.
- Latest