Mga miyembro ng Gilas papangalanan ngayon
MANILA, Philippines – Dahil sa kawalan ng mga interesadong players ay posibleng ang mga sumama sa workout noong nakaraang Miyerkules ang papangalanan ni head coach Tab Baldwin para sa Gilas Pilipinas.
Pormal na ihahayag ngayon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas ang mga miyembro ng Gilas Pilipinas pool kasunod ang kanilang unang opisyal na team practice sa Meralco Gym.
Sasabak ang Nationals ni Baldwin sa 2015 FIBA Asia Championship sa Changsha, China sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 na siyang qualifying tournament para sa 2016 Olympic Games sa Rio De Janeiro, Brazil.
Ang 16 hanggang 20 players na papangalanan para sa ‘working pool’ ay babanderahan ni 6-foot-11 naturalized player Andray Blatche.
Ang mga sumalang sa workout na ipinatawag ni Baldwin noong nakaraang Miyerkules ay sina Jayson Castro, Ranidel De Ocampo at Matt Ganuelas-Rosser ng Talk ‘N Text, Gary David ng Meralco, one-time PBA Most Valuable Player Asi Taulava at Aldrech Ramos ng NLEX, Globalport scoring guard Terrence Romeo, Barako Bull big guard JC Intal, Sonny Thoss at Dondon Hontiveros ng Alaska at si National University star Jeth Troy Rosario.
Nauna nang tumanggi si back-to-back PBA MVP June Mar Fajardo ng San Miguel na sumama sa Gilas Pilipinas dahil sa kanyang foot injury.
Maliban kay Fajardo, hindi rin maglalaro para sa Gilas Pilipinas sina LA Tenorio at Japeth Aguilar ng Ginebra dahil sa problema sa kalusugan, habang nasa ibang bansa naman sina Marc Pingris ng Star at Marcio Lassiter ng San Miguel.
Ang maghahari sa 2015 FIBA Asia Championships ang kakatawan sa Asya sa 2016 Rio Olympics.
Ang second at third placers ay iimbitahan namang maglaro sa Olympic qualifying tournament kasama ang mga finishers mula sa Africa, Europe, Oceania at Americas.
Nakuha ng Gilas Pilipinas ni coach Chot Reyes ang silver medal noong 2013 FIBA Asia Championship para makalaro sa 2014 FIBA World Cup sa Spain.
- Latest