Pacquiao-Khan fight gagawin sa Dubai--Arum
MANILA, Philippines – Inulit uli ni British boxer Amir Khan ang pahayag ng pananabik na makaharap ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao sa kuwadradong lona.
Nabanggit si Khan bilang isa sa mga posibleng makaharap ni Pacman sa susunod na taon at ayon kay Bob Arum ay maaaring gawin ito sa Dubai.
“A fight with Manny Pacquiao in Dubai could be massive. I love to take that fight,” ani Khan sa sport360.com.
Wala pang balita kung sino ang puwedeng isagupa kay Khan bago matapos ang taon lalo pa’t malabo na ang pinapangarap niyang pagtutuos sa walang talong si Floyd Mayweather Jr.
Sa Setyembre 12 ang pagbabalik ng ring ni Mayweather para sa kanyang ikaanim at huling laban sa six-fight kontrata sa Showtime.
Nanghihinayang si Khan dahil hindi mangyayari ang gustong laban dahil nakikita niyang kaya niyang talunin si Mayweather.
Galing sa unanimous decision ang pound-for-pound king kay Pacquiao pero kumbinsido si Khan na hindi siya lalasap ng pagkatalo.
Kung makaharap si Pacman sa 2016 ay ipakikita ni Khan na mas magaling siya sa itinuturing na kaibigan.
“We’re friends but sometimes you’ve got to put friendship to one side. That fight would be amazing,” ginagarantiya niya ito. (AT)
- Latest