Baldwin hinirang ng SBP bilang coach ng mga koponang isasabak sa SEABA at SEA Games
MANILA, Philippines - Maliban sa paghawak sa Gilas PIlipinas ay pamamahalaan din ni Tab Baldwin ang mga koponang isasabak sa Southeast Asian Basketball Association (SEABA) at Southeast Asian Games.
Iniluklok kahapon ng Samahang Basketbol ng Pilipinas-PBA search and selection committee na pinamumunuan ni SBP president Manny V. Pangilinan si Baldwin bilang coach ng naturang dalawang tropa.
Si Baldwin ang pumalit sa sinibak na si Chot Reyes sa bench ng Gilas PIlipinas noong Disyembre.
“We expect Coach Tab to take off running as men’s national team head coach and that is why it is best he gets his feet wet early,” sabi ni SBP executive director Sonny Barrios.
“Aside from successfully defending our crowns at SEABA and SEAG, he is tasked at leading our men’s team to qualifying for the 2016 Rio De Janeiro Olympics by winning the FIBA ASIA Qualifying in Hunan,” dagdag pa nito.
Ang SEABA na didribol sa Abril 27 hanggang Mayo 4 ay ang qualifying tournament para sa FIBA Asia Championship na nakatakda sa Setyembre 23 hanggang Oktubre 3 sa Hunan, China.
Ang maghahari sa nasabing torneo ang kakatawan sa buong Asya sa 2016 Olympic Games sa Rio de Janeiro, Brazil.
Ang SEABA at SEA Games teams ay binubuo ng mga Gilas Cadets sa pamumuno nina UAAP Most Valuable Players Keifer Ravena at Ray-Ray Parks, Jr. at Garvo Lanete bukod kay 6-foot-11 naturalized player Marcus Douthit.
Si Douthit ang sumalo sa naiwang trabaho ni dating NBA Brooklyn Nets center Andray Blatche, isa ring naturalized player, sa Incheon Asian Games noong nakaraang taon.
Pumangalawa ang Gilas PIlipinas sa nagkampeong Iran sa 17th FIBA Asia Championship na ginanap sa Mall of Asia Arena noong 2013.
Ito ang nagbigay ng tiket sa mga Filipino cagers para makalaro sa global stage matapos ang halos tatlong dekada sa pamamagitan ng paglahok sa 17th FIBA Basketball World Cup na idinaos noong nakaraang taon sa Spain.
- Latest