Aldridge nagbida sa Blazers para sa paggupo sa Thunder
PORTLAND, Ore. -- Ikinagulat ni LaMarcus Aldridge ang kanyang unang basket sa season.
Nagsalpak si Aldridge ng isang three-pointer at tumapos ang All-Star forward na may 27 points para pangunahan ang Trail Blazers sa 106-89 season-opening victory kontra sa Oklahoma City Thunder.
Sinabi ni Aldridge, pinaghusay ang kanyang long-range shot, na ang depensa ni Russell Westbrook ng Thunder ang pumuwersa sa kanya para tumira sa 3-point range.
‘’I don’t think anyone was thinking my first shot would be a long 3, so it was pretty cool,’’ wika ni Aldridge.
Gumamit lamang ang Thunder ng siyam na players bunga ng pagkawala ni NBA MVP Kevin Durant, sumailalim sa surgery para sa isang fractured bone sa kanyang kanang paa.
Posible siyang makalaro sa Disyembre.
Umiskor si Westbrook ng 38 points, ang 26 dito ay kanyang itinala sa first half.
Kinuha ng Portland ang 89-80 abante sa huling pitong minuto mula sa tres ni Damian Lillard na sinundan ng alley-oop dunk ni Aldridge para iwanan ang Oklahoma City sa 93-83.
Sa Miami, binigo ng Heat ang Washington Wizards, 107-95, para sa kanilang unang laro matapos magbalik si LeBron James sa Cleveland Cavaliers.
Humakot si Chris Bosh ng 26 points at 15 boards at nag-ambag si Norris Cole ng career-high na 23 markers para sa Miami.
Umiskor si Dwyane Wade ng 21 points, ang 12 dito ay kanyang ginawa sa fourth quarter bago siya ipinahinga dahil sa leg injury, habang may 12 markers si Luol Deng sa kanyang debut game.
Pinamunuan nina Marcin Gortat at Drew Gooden ang Wizards sa kanilang tig-18 points kasunod ang 17 ni Paul Pierce sa kanyang Washington debut.
Tumapos si guard John Wall na may 16 points at 11 assists.
Sa New York, humakot si Pau Gasol ng 21 points at 11 rebounds sa kanyang Chicago debut, habang umiskor si Derrick Rose ng 13 markers matapos mabakante sa nakaraang dalawang seasons para igiya ang Bulls sa 104-80 panalo laban sa New York Knicks.
Nadiskaril ang unang laro ni Derek Fisher bilang head coach ng Knicks.
Hindi nakalaro si Rose sa 2012-12013 season matapos ang kanyang left ACL injury noong 2012 playoffs.
Nagbalik siya noong nakaraang season at nagsalpak ng isang go-ahead shot para talunin ang Knicks sa home opener ng Bulls, ngunit nagkaroon muli ng injury noong Nobyembre.
Nagdagdag si reserve Taj Gibson ng 22 points para pangunahan ang Chicago.
Si Carmelo Anthony ay kumamada ng 14 points para sa Knicks.
- Latest