Asian imports makikita sa PBA
SEOUL, Korea -- Para sa nalalapit na 40th season ng PBA ay inaasahang makikita sa aksyon ang mga katulad nina Asian players na kagaya nina Nikkhah Bahrami, Fadi El-Khatib, Sam Daghles, Anton Ponomarev, Kim Mingoo at Lin Chi-chieh.
Ito ay matapos buksan ng Philippine Basketball Association ang kanilang pinto para sa mga Asian players sa darating na season sa layuning makaakit ng mga Asian fans at ng Asian advertising market.
“The board agreed to try it for one conference specifically and exclusively for marketing outside the country and within the Asian region,” sabi ni PBA board chairman Patrick Gregorio.
“It’s another way of looking at the PBA as the No. 1 professional league in Asia,” dagdag pa ni Gregorio.
Ipapakilala ng PBA ang “Asian integration” sa season-ending Governors Cup kung saan papayagan ang mga PBA teams na humugot ng isang player na may height ceiling na 6-foot-4.
Mauuna ang mga Asian recruits sa mga regular imports sa paglalaro sa season-ending Governors Cup at ang mga naturalized Asian players ay ituturing na ineligible.
“It’s optional. And why 6-4? It’s the average height of Filipino players,” ani PBA Commissioner Chito Salud. “But it’s still tentative. Everything will be finalized as the governors cleared things with their principals (team owners).”
Bubuksan ng PBA ang kanilang pang-40 season sa Oktubre 19 sa Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan.
Maglalaban ang mga expansion teams na Kia Motors ni playing coach Manny Pacquiao at ang Blackwater Sports, habang magtatapat ang Barangay Ginebra at ang Talk ‘N Text.
Sa Abril 8 ay pararangalan ng pro league ang 40 greatest players of all time.
Pananatilihin din ng liga ang kanilang three-conference format simula sa 2014 Philippine Cup kasunod ang Commissioner’s at Governor’s Cup.
Magkakaroon ng handicapping system para sa mga imports sa PBA Commissioner’s Cup at sa Governors Cup.
Ang top eight teams matapos ang elimination round ng Philippine Cup ay papayagang kumuha ng mga imports na may height limit na 6-foot-9 sa Commissioner’s Cup.
Ang apat namang mangungulelat ay maaaring kumuha ng mga imports na may unlimited height.
Sa PBA Governors Cup naman ay ibabase ang handicapping sa ipinakita ng mga koponan sa Philippine at Commissioner’s Cup.
Ang top eight squad ay maglalaro nang may import na may height ceiling na 6’5.
Ang apat na malalaglag ay papayagang magbandera ng mga imports na may unlimited height.
- Latest