Khan kumpiyansang mananalo si Pacquiao kontra kay Algieri
MANILA, Philippines - Ilang beses silang nagkasama sa training camp.
At alam ni dating world light welterweight titlist Amir Khan ang kakayahan ni Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao.
Sinabi ni Khan na tiyak na ang panalo ni Pacquiao laban kay American challenger Chris Algieri sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
“It is a good fight. Pacquiao is a good friend of mine. Algieri is a good boxer but I don’t think he’s got the tools to beat Manny Pacquiao,” sabi ni Khan.
Itataya ng 35-anyos na si Pacquiao (56-5-2, 38 KOs) ang kanyang hawak na World Boxing Organization (WBO) welterweight crown laban sa 30-anyos na si Algieri (20-0-0, 8 KOs).
Nauna nang nagparamdam si Khan (29-3-0, 19 KOs) na gusto niyang labanan si Pacquiao kung mabibigyan ng pagkakataon.
Bukod kay ‘Pacman’, target din ni Khan, dating nag-ensayo sa Pilipinas kasabay ni Pacquiao, na makasagupa si Floyd Mayweather, Jr. (47-0-0, 26 KOs).
Naniniwala si Khan na madodomina ni Pacquiao si Algieri sa kabila ng height at reach disadvantage ng Sarangani Congressman.
Determinado si Pacquiao na pabagsakin si Algieri para patunayang kaya pa niyang makapagpatulog ng kalaban.
Ang huling KO win na naiposte ni Pacquiao ay noong 2009 laban kay Miguel Cotto na kanyang pinasuko sa 12th round para tangayin sa Puerto Rican ang suot nitong WBO welterweight belt.
Nauna nang sinabi ng 5-foot-10 na si Algieri na magiging agresibo siya sa kanilang upakan ng 5’6 na si Pacquiao taliwas sa naunang pahayag ni chief trainer Freddie Roach na tatakbuhan lamang niya si ‘Pacman’.
“I’m gonna push the action, I’m going to utilize an authoritative jab and boxing stance and I’m going to go out there and set the tone. That’s how I fight,” ani Algieri.
Bumango ang pangalan ni Algieri matapos talunin si Ruslan Provodnikov via split decision para agawin sa Russian ang suot nitong WBO light welterweight belt noong Abril.
Si Provodnikov ay naging sparmate ni Pacquiao.
- Latest