Reyes dedma muna sa isyu kay Blatche, pokus sa World Cup
SEVILLE--Sa nakabinbing paglalaro ni naturalized player Andray Blatche sa 2014 Asian Games, hindi ito masyadong iniisip ni Gilas coach Chot Reyes dahil mas gusto niyang tutukan ang kanilang kampanya sa 2014 FIBA World Cup.
Sa pakikipag-usap niya sa ilang Filipino sportswriters bago labanan ang Croatia, sinabi ni Reyes na ang laro nila sa World Cup ang kanyang nasa isip.
“Right now, I’m only thinking of the game in front of me, and that’s Croatia,” sabi ni Reyes.
Ngunit sinagot din ni Reyes ang ilang tanong tungkol sa isyu kay Blatche.
Ayon kay Reyes, sumugal sila sa pagkuha kay Blatche imbes na mawalan ng tsansang makamit ang Asian Games gold medal.
Umaasa siyang makakamit ng mga Filipino sports officials ang loob ng Incheon Asian Games Organizing Committee (IAGOC) sa delegation registration meeting sa Setyembre 11.
Sinabi ng Gilas bench chieftain na ang naturang pulong ang magdedetermina ng kapalaran ng Gilas Pilipinas sa Incheon.
Wala silang pag-asang makuha ang gold medal kapag wala si Blatche.
Sa paglalaro ni Marcus Douthit at ilang PBA stars, naihatid ni Reyes ang Gilas Pilipinas sa finals at nasikwat ang silver medal sa 2013 FIBA Asia Championship sa Manila.
Sa nakamit na eksperyensa at pagpasok ng ilang bagong player at mas batang naturalized player, umasa si SBP president Manny V. Pangilinan na mapipitas ng koponan ang gold medal sa Incheon.
Ngunit ang pagkuwestiyon ng IAGOC kay Blatche ang pansamantalang humarang sa layunin ng koponan.
Ipinaalam na ng IAGOC sa Philippine Olympic Committee na hindi nila papayagang maglaro si Blatche dahil hindi nito naisilbi ang three-year residency rule na siya namang tinutulan ng SBP dahil hindi umano ito naaangkop sa naturalized player.
- Latest