Provodnikov kinuha ni Roach na sparmate ni Pacquiao
MANILA, Philippines - Magbabalik si dating world light welterweight king Ruslan Provodnikov bilang sparmate ni Manny Pacquiao para sa paghahanda ng Filipino world eight-division champion kay Chris Algieri.
Sa kanyang Twitter account na @Ruslan Provod, sinabi ng tinaguriang ‘The Serbian Rocky’ na hindi na siya makapaghintay para makasama sa training camp sina Pacquiao, Miguel Cotto at chief trainer Freddie Roach sa Pilipinas.
“Looking forward to my training camp with @FreddieRoach,@MannyPacquiao, and @RealMiguelCotto in the Philippines this fall! @HBOboxing,” sabi ni Provodnikov.
Ang 30-anyos na dating World Organization (WBO) light welterweight titlist ang naging sparmate ni Pacquiao sa paghahanda ng huli kay Timothy Bradley, Jr. noong 2012.
Natalo si Pacquiao kay Bradley via split decision at naagaw ang kanyang suot na WBO welterweight crown.
Naisuko naman ni Provodnikov ang dating hawak niyang WBO light welterweight belt kay Algieri noong Hunyo.
Samantala, sisimulan ang media tour nina Pacquiao at Algieri, ayon kay promoter Bob Arum ng Top Rank, sa Agosto 25 sa Macau, China.
Mula rito ay dadalhin ang media tour nina Pacquiao at Algieri sa Shanghai, China at Taipei bago dumiretso sa United States.
Sa US ay isasagawa ang media tour sa Los Angeles, San Francisco, New York at posibleng sa Las Vegas, Nevada.
Itataya ni Pacquiao (56-5-2, 38 knockouts) ang kanyang suot na WBO welterweight crown laban kay Algieri (20-0-0, 8 KOs). KOs) sa Nobyembre 22 sa The Venetian sa Macau, China.
Ito ang ikalawang pagkakataon na lalaban ang 35-anyos na si Pacquiao sa The Venetian sa Macau matapos bugbugin si Brandon ‘Bam Bam’ Rios sa kanilang non-title fight noong Nobyembre 24, 2013.
- Latest